Bahagyang tumaas ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa mga islang nasasakupan ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa datus ng Philippine Navy, 190 ang namataang mga barko sa WPS mula Sept 30 hanggang Oct. 6, mas mataas kumpara sa 178 na mga barko ng China noong nakalipas na linggo.
Sa nasabing bilang, 28 dito ang namataang People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) vessels sa Ayungin Shoal, Escoda Shoal (Sabina Shoal), at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang patuloy na ilegal na presensya ng China sa WPS ay tahasang pagsasawalang bahala sa 2016 Arbitral Tribunal ruling kung saan nilalabag nito ang ating sovereign rights.
Kasunod nito, nangako ang Armed Forces of the Philippines na patuloy na itataguyod ang international law at poprotektahan ang ating karapatan at soberenya.