Ibinunyag ni Philippine Sports Commissioner Ramon Fernandez na itinakda sa January ang deadline ng listahan na magpapakita sa bilang ng mga atleta na ipadadala ng bawat bansa sa Vietnam para sa 31st Southeast Asian Games.
Inihayag ito ni Fernandez matapos ang ginanap na pagpupulong ng 11 chefs de mission ng mga bansa na magpapartisipa sa regional sportsfest.
Samantala, sinabi ng PSC na aprubado na ang training bubble ng ilang national sports associations, kabilang na ang paggamit ng karate at boxing athletes sa PSC training facility na makikita sa loob ng Teacher’s Camp sa Bauio City.
Ipinunto rin ni Fernandez na nagsimula na ang workouts ng national track and field team sa Baguio Athletic Bowl malapit sa Burnham Park habang balik ensayo na rin ang rowing team sa La Mesa Dam reservoir sa Quezon City.
Matatandaan na inanunsyo ni Philippine Olympic Committee president at Tagaytay Representative Abraham “Bambol” Tolentino na nagdesisyon ang Vietnam na i-reset ang regional Games sa May 2020.
Inihayag ni Tolentino na ito ang kanilang napag-usapan sa online meeting ng SEA Games Federation Council.
