LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 19,877 ang kabuuhang bilang ng mga mag-aaral na apektado dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ayon sa Department of Education (DEPED) Bicol.
Sa isinagawang press briefing ng ahensya kahapon, ang pinakamaraming bilang ay sa Tabaco City na may 4,783; sinundan ng 4,351 sa Malilipot; 3, 456 sa Camalig; 2,947 sa Daraga; 2,643 sa Guinobatan; 1,627 sa Sto Domingo; at 70 sa Ligao.
Tinatayang nasa 805 naman na DEPED Bicol personnels ang apektado, kung saan pinakaramami sa Malilipot na mayroong 224; Camalig 185; Guinobatan 179; Daraga 145; Sto. Domingo 62; Tabaco City 10.
Ayon kay DEPED Bicol Regional Director Gilbert Sadsad, magkakaroon ng adjustment ang mga paaralang apektado.
Aniya, sakali mang abutin ng pagbubukas ng klase ngayong 2023-2024 sa Agosto 28. tanging gagawin ng ahensya ay magpapatupad ng modular distant learning o shifting classes sa face to face.
Nilinaw naman niya na ang mga apektadong mag-aaral o paaralan lamang ang magpapatupad nito habang ang hindi apektado ay walang babaguhin sa pagpasok ng mga mag-aaral.