LEGAZPI CITY – Kamakailan ay naalarma ang Albay Provincial Health Office (PHO) dahil sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bayan ng Rapu-rapu, Albay, kung kaya biglang idineklarang may dengue outbreak sa nabanggit na bayan.
Inihayag ni PHO head Dr. Nathaniel Rempillo sa Brigada News FM Legazpi na biglang umabot sa kabuuhang bilang na 32 kaso ng nasabing sakit ang naitala sa bayan sa loob lamang ng dalawang buwan.
Aniya, mayroon na ring mga naitatalang mga kaso nito sa naunang mga buwan ngunit paunti-unti lamang ito.
Ipinaliwanag naman ni Rempillo na ang dahilan nito ay maraming mga bahagi sa lugar ang pinamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
Itinuro ring dahilan umano na may kakulangan sa tubig ang bayan kung kaya napipilitan silang mag-imbak ng maraming tubig, at nagkataon ding maraming mga lamok sa lugar kung kaya doon na rin nangitlog ang mga ito.
Dagdag pa niya, kapag marami ang populasyon ng lamok ay malaki rin ang tiyansang magkaroon ng mga dengue-related diseases sa isang lugar.
Samantala, patuloy din naman umanong isinasagawa ng kanilang opisina ang mga anti-dengue programs sa Rapu-rapu at sa ibang mga lugar upang maiwasan ang pagdami ng mga kaso nito.