CAMARINES NORTE- Nakahanda na ang Bureau of Fire Protection para sa pagunita ng Semana Santa na magsisimula sa April 10.
Sa bayan ng Basud ay nagkaroon na ng pagpupulong kahapon ang Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng MDRRMO, PNP at iba pang stakeholders para paghandaan ang pagunita sa Semana Santa.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Fire Inspector Socorro Tabaniag, Municipal Fire Marshal ng naturang bayan, sinabi nito na ipagpapatuloy pa rin nila ang ginagawang Oplan Ligtas Pamayanan.
Mag iikot umano ang kanilang Fire Truck para magbandilyo at magpalala sa mga tao sa ligtas na pagunita ng Semana Santa.
Tiniyak rin ni Tabaniag na handa silang magbigay ng assistance sa tatlong parokya o simbahan sa naturang bayan na magsasagawa ng Holy Week activities sa kabila ng limitasyon sa tauhan at asset.
Tututukan rin umano ng BFP ang mga pangunahing tourist destination sa naturang bayan tulad ng Mangcamagong at Taba- Taba na dinadagsa ng maraming tao.
“Sa pinaka holy week na talaga ang ating fire truck ay pupunta na sa ating mga tourist spot, kasi mayron na rtn tayong mga nakikita dito na pinupuntahan na ng ating mga kababayan Mangcamagong, Taba- taba at saka yung may mga private pools na rin tayo diyan eh, so pupuntahan din po namin yun para paalahananan din sila,” ani Tabaniag.
Pinaalalahanan rin ng opisyal ang mga aalis ng tahanan na siguraduhing walang maiiwang nakasinding kandila at mga nakasaksak na electrical appliances na posibleng maging dahilan ng sunog.
“Maulan or mainit talagang nagkakaroon pa rin ng sunog kaya ang kawanihan po ng pamatay sunog ay hindi kami tumitigil sa pagpapaalala sa mga tao na kailangan maging maingat tayo sa araw- araw na ating ginagawa lalong lalo na po ngayong darating na Holy Week na kung saan ay marami ang mga magsisindi ng kandila.”
