CAMARINES NORTE – Nagkaroon ng dalawang araw na “Open House” ang Basud Municipal Fire Station bilang bahagi ng aktibidad ngayong Fire Prevention Month na may temang “Sa pag- Iwas sa Sunog, Hindi ka Nag iisa.”
Ginawa ito simula noong Huwebes hanggang kahapon kung saan makikita ng mga bisita ang exhibit ng mga kasuutan at iba’t- ibang kagamitan ng BFP.
Ayon kay Inspector Socorro Tabaniag, Municipal Fire Marshal sa naturang bayan layon ng aktibidad na tumaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa fire safety, fire suppression at prevention.
Ilan lamang sa mga bumisita sa “Open House” ay ang mga estudyante mula sa Basud National High School.
Nag demo ang mga tauhan ng BFP at ipinakita sa mga estudyante ang iba’t- ibang fire prevention techniques at kung papaano ginagawa ang rescue operation.
Bukod sa mga ganitong aktibidad ay bumababa rin umano sa mga barangay ang BFP upang ipalaganap sa komunidad ang mga mahahalagang impormasyon upang makaiwas sa sunog.
Hinimok rin ng ahensiya ang publiko na huwag ipagwawalang bahala ang kanilang mga paalala lalo na ngayong papasok na ang panahon ng tag init kung kailan madalas na nangyayari ang sunog.
