‘Hindi kailangang magpanic’
Ito ang sinabi ni Coast Guard District Southern Tagalog Commander Commodore Geronimo Tuvilla sa pinangangambahang pagtagas ng marine diesel oil na karga ng lumubog na barkong pangisda na ANITA DJ II sa karagatang sakop ng Calatagan, Batangas.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Tuvilla na may namataan nang ‘oil sheen’ sa gitna ng karagatan sa Calatagan ngunit malayo pa naman aniya ito sa baybayin.
Kaugnay nito, may mga tauhan na raw silang nag-ko-combat ng water cannons upang mabulabog ang oil sheen.
Ayon kasi kay Tuvilla, mas madaling mag-evaporate o mawala ang marine diesel oil sa dagat.
Mabulabog lang daw ito ng alon o kaya nama’y maarawan, agad na rin aniya itong mawawala.
Hindi kagaya sa industrial oil na mahirap tanggalin sa dagat.
Bukod dito, sinabi pa ni Tuvilla na mababa ang threat level ng marine diesel oil sa karagatang sakop ng iba pang bayan sa Batangas, kasama na ang Verde Island Passage.