Batangas City Nutrition Council, patuloy pang pag-iibayuhin ang mga programang pangkalusugan

Batangas City – Patuloy pang pag-iibayuhin ng City Nutrition Council ang mga isasagawang programa para sa kalusugan ng mga bata sa lungsod ng Batangas.

Ayon sa City Nutrition Officer Eva Mercado, layunin nilang ipagpatuloy ang pagtuturo ukol sa wastong nutrisyon sa mga barangay, paaralan, at maging sa Early Child Care Development Center.

Hiniling din ng City Administrator na magsagawa ng nutrition seminar para sa mga magulang upang maturuan silang hikayatin ang mga bata na kumain ng gulay at prutas.

Samantala, nakatakda namang isagawa ng DepEd School Nurse ang 175-days feeding program para sa mahigit 5,000 na mag-aaral sa muling pagbubukas ng klase sa taong 2024-2025.