Isinailalim muli sa state of calamity ang lalawigan ng Bataan nitong araw ng Lunes.
Ito ay dahil umano sa panganib na maaaring dala ng oil spill matapos ang magkasunod na paglubog ng MTKR Terra Nova sa Limay at MTKR Jason Bradley sa Mariveles, at ang pagsadsad ng MV Mirola 1 sa aplaya ng Mariveles noong kasagsagan ng habagat at super typhoon Carina.
Ito ay base na rin sa Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 328, series of 2024.
Ayon sa Provincial Government nasa mahigit 17,000 mangingisdang taga-Bataan na ang apektado.
Dagdag pa nito, sa ulat umano ng Provincial Social Welfare and Development Office tinatayang nasa 10,174 na pamilya sa Limay at 4,822 na pamilya sa Mariveles ang ngayon ay apektado rin.
Sa pamamagitan ng pangalawang State of Calamity, magkakaroon ng karagdagang pondo ang lalawigan para makapagpatupad ng mga hakbang sa pagsugpo ng pinsalang dala ng oil spill at upang makapagbigay ng agarang tulong at serbisyo sa mga apektadong residente.//Jen Bayot-BNFM OLONGAPO
PHOTO: Gov. Joet Garcia