Posible nang hindi kolektahin ng barangay o ng City Government ang mga nabubulok na basura ng mga residenteng mayroong hindi bababa sa 5 square meter na lugar na puwedeng magamit bilang compost pit.
Sa panayam ng Brigada News kay City Environment and Natural Resources Office o CENRO Supervising Environmental Management Especialist Engineer France Luigi Lugena, isa kasi sa kanilang mga plano ang composting batay na rin sa mandatory backyard composting na nakapaloob sa 2005 Solid Waste Management Ordinance ng lungsod.
Aniya kapag ito’y ipinatupad ay magkakaroon na ng opsyon ang mga nakatoka sa paghahakot ng basura na hindi na kolektahin pa ang mga biodegradable waste at magsasagawa na lamang ng backyard composting na malaking tulong upang mabawasan ang volume ng basura na dadalhin sa sanitary landfill at magagamit din bilang pataba sa lupa.
