Baril at granada, nasamsam sa dalawang katao sa Cagayan

Nakumpiska sa pag-iingat ng dalawang indibidwal ang baril at granada sa magkahiwalay na implementasyon ng search warrant sa bayan ng Allacapan at Solana, Cagayan.

Unang dinakip ng mga kasapi ng Provincial Intelligence Unit ng Cagayan PPO si alyas Danny, 53 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Brgy. Sampaguita, Solana, Cagayan sa bisa ng search warrant.

Nakuha sa kanyang tirahan ang isang hand grenade, isang baril ng caliber .45, dalawang magazine ng cal.45 na may 17 pirasong bala nito.

Sunod na naaresto si alyas Nestor, 62 anyos, isang magsasaka at residente ng Brgy. Dalayap, Allacapan, Cagayan dahil sa parehong paglabag at nasamsam sa kanyang bahay ang isang calibre 38 na baril at tatlong bala.

Nahaharap ang mga ito sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) na ngayon ay nasa pag iingat na ng mga nabanggit na himpilan ng pulisya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *