Naibaba na mula sa kabundukan ang mga bangkay ng mag-amang NPA member na nasawi sa nangyaring engkwentro sa Tappa, San Mariano, Isabela noong October 29, 2021.
Sa pakikipag-ugnayan ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Army Maj. Jekyll Dulawan, ang Chief DPAO ng 5th Infantry Division Phil. Army, sa tulong ng air asset mula sa Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force ay naibaba ang kanilang mga bangkay nitong araw ng Sabado.
Magugunitang naganap ang sagupaan matapos makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad kaugnay sa presensya ng mga rebeldeng pangkat sa naturang lugar.
Ayon kay Maj. Dulawan, hindi naman tumagal ang bakbakan subalit nag-iwan ito ng dalawang casualty sa panig ng rebelde na kinilalang sina alyas Dave, squad leader at alyas Albert na kapwa kasapi ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Narekober din ng mga operatiba ang dalawang M16 riffles at mga kagamitan ng mga armadong grupo.
Posible rin umanong may nasugatan sa panig ng mga rebelde batay sa mga nakitang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan.
Sa ngayon ay ipinasakamay na sa LGU ang mga bangkay ng mag-amang NPA members upang mabigyan ng disenteng libing.
Kaugnay nito, muli namang hinimok ni Maj. Dulawan ang iba pang natitirang rebelde na magbalik-loob na upang makasama ang kanilang mga pamilya lalo na ngayong nalalapit na Kapaskuhan.