SORSOGON CITY – Ikinukunsiderang ‘case solved’ na ang ‘Baleno Massacre’ sa lalawigan ng Masbate, makaraang mahuli ang dalawang natitirang suspek na tumakas matapos ang krimen na nagawa, gabi noong Sabado, Agosto 28, sa Brgy Tinapian ng nasabing bayan.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng Baleno Police, nahuli nila ang dalawang suspek sa kanilang ikinasang hot pursuit operations matapos na matuklasan ang karumaldumal na krimen sa limang miyembro ng isang pamilya na pinagsasaksak matapos pagnakawan.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Deonilo Rabino, ang16-anyos na anak nito na si Mark Dave at kapatid ni Deonilo na si Rowell Rabino. Una nang nahuli si Mark Dave na naituro ng nag-iisang survivor.
Kinilala naman ang mga biktima na sina Jesus Dino Adigue, 70-anyos asawa nito na si Adela Cortes Adigue, 67-anyos biyudang anak na si Jennifer Cortes Adigue, 40-anyos at dalawang anak nito na sina Joyce, 17-anyos at Kristille Albis, 14-anyos habang nakatakas kahit sugatan si Angel Albis, 10-anyos.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na paghihigante at pagnanakaw ang naging motibo ng mga suspek. Si Mark Dave umano ay inuutus-utusan at pinagkakatiwalaan ng pamilyang Adigue at minsan ay napagalitan ito.
Kinumbinsi umano ng suspek na si Deonilo ang kanyang anak na si Mark Dave, na ituro kung sino ang nagpagalit sa kanya at maging giya sa panloloob sa bahay ng nasabing pamilya.
Hindi naman tinukoy ng Pulisya kung sino ang gumahasa sa biyudang si Jennifer at kung magkano ang perang laman ng bag na kinulimbat ng mga suspek.
Kahapon ng hapon ay isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek habang si Mark Dave ay ikinustudiya muna ng MSWDO para sa kaukulang disposisyon.
Ang krimen ay itinuturing na “solved’’ o lutas na kapag ang pinaghihinalaang kriminal/mga kriminal ay nasampahan na ng asunto at nasa pag-iingat na ng mga awtoridad.


