Hindi magiging patas at hindi lohikal na polisiya kung ipapatupad ngayon ang tinatawag na ‘bakuna bubble’.
Ito ang iginiit ni House Committee on Constitutional Amendment Chairman Alfredo Garbin sa gitna ng pagsusulong ng bakuna bubble o pagbubukas ng ilang mga lugar na para lamang sa mga bakunado na kontra covid-19.
Ayon sa mambabatas, suportado naman niya ang pagsusumikap ng pamahalaan at ng mga business organizations na matulungan ang mga negosyong pinadapa ng pandemya.
Gayunpaman, ikinatuwiran ng kongresista na ang suplay ng covid-19 vaccine sa kasalukuyan ay limitado pa rin at hindi pa accessible para sa lahat ng populasyon.

Iginiit ni Garbin na ang pinakamainam na polisiya ay ang bilisan pa ang pagbili ng mga bakuna maging ang covid-19 vaccination drive at himukin ang mga Pilipino na magpabakuna sa lalong madaling panahon.
Sa oras naman aniya na makamit na ang herd immunity at may access na sa bakuna ang lahat ng Pilipino, doon na aniya ang tamang panahon para ipatupad ang bakuna bubble. // MHEL PACIA-TRINIDAD