Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon #HannaPH na may international name na HAIKUI.
Ayon sa PAGASA, kaninang alas-otso ng umaga ay tuluyan na itong naka-alis sa bansa.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 360 kilometro hilagangkanluran ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot ng 120 kilometro kada oras; at bugsong papalo ng hanggang 165 kilometro kada oras.
Inalis na rin ang nakataas na tropical cyclone wind signal sa bahagi ng Batanes.
Sa kabila nito – inaasahan pa rin ang paghatak at pagpapalakas ng Bagyong Hanna sa umiiral na Hanging Habagat hanggang sa susunod na tatlong araw sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Ngayong araw, asahan pa rin ang maulang panahon sa bahagi ng Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, southern portion ng Aurora, Zambales, Bataan, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Romblon, Marinduque, northern portion ng Palawan kabilang ang Calamian, Kalayaan, at Cuyo Islands, malaking bahagi ng CALABARZON, Bicol Region, at Western Visayas.