Nagsimula na ngayong araw, September 4, ang pagba-bahay bahay ng mga enumerators mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa 2022 Census of Agriculture and Fisheries.
Bago dumayo ang mga enumerators ay nagkaroon sila ng pitong araw na training para maging maayos ang pangangalap ng mga detalye sa mga mangingisda at magsasaka.
Pupuntahan ng mga ito ang napiling 811 na barangay sa Rehiyon kung saan 327 mula rito ay sa lalawigan ng Isabela, 267 naman sa Cagayan Province, 115 na barangay sa Nueva Vizcaya, 79 sa lalawigan ng Quirino, at 23 sa probinsiya ng Batanes.
Kaugnay nito, digitalized na ang Sistema ng pagkuha ng mga datos sa mga respondents sa census at tiniyak naman ng PSA Region 2 na confidential ang mga impormasyon at secured ang mga tablets na gagamitin sa tulong na rin ng Department of Information and Communications Technology o DCIT.
Ang census na ito ay isinasagawa lamang kada sampung taon kaya’t patuloy na hinihikayat ng PSA ang mga magsasaka at mangigisda na makipagtulungan at maging tapat para makuha ang mga tamang datos na siya namang pagbabasehan ng gobyerno para sa kanilang pagplaplano sa sector ng agrikultura at pangingisda.