Kinumpirma ni Atty. Michael Poa na hindi na siya konektado sa Office of the Vice President.
Sa ikaapat na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP, sinabi ni Poa na terminated na ang kanyang consultancy contract.
Inusisa rin si Poa ukol sa estado ng pitong opisyal na ipina-subpoena ng House panel at kanyang itinugon na noong nagsisilbi pa siya sa OVP ay naroroon ang mga nabanggit na indibidwal.
Ngunit hindi umano niya matitiyak kung nasaan sila sa ngayon dahil bago pa ang nakalipas na pagdinig ay nagpaalam na siya sa OVP.
Kung pagbabasehan aniya ang position paper na isinumite sa Good Government and Public Accountability ay nasa opisina pa sila ng pangalawang pangulo.
Mababatid na bukod sa OVP ay nagsilbing spokesperson ng Department of Education si Poa sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.