Isinagawa nitong Miyerkules ang Coral Transplanting at Installation ng Artificial Coral Reefs sa Calalanay island sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte bilang pakikiisa ng Lokal na Pamahalaan sa pagdiriwang ng Maritime and Archipelagic Awareness Month (MANA).
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay OIC Municipal Agriculturist Christine De Leon, inihayag nito na nasa 40 artificial coral reefs ang na- install sa naturang bahagi ng isla na sakop ng Marine Protected Area.
“Ito pong artificial coral reefs po natin ay pangmatagalan po, maliban na lang po kung ito po ay masisira pero ito ay naka- design po talaga na pangmatagalan po, bale po yung installation naman po natin ay sinigurado po natin na maayos po at hindi po basta basta mnasisira po,” ani De Leon.
Makakatulong umano ito dahil madaragdagan ang lugar kung saan maaaring mangitlog at magparami ang mga isda at mapaganda ang marine ecosystem at marami ang natural predators lalo’t noong mga nakaraang araw ay naperwisyo ito dahil sa outbreak ng crown of torns.
Kabilang sa mga coastal barangay sa naturang bayan na makikinabang sa proyekto ay ang Salvacion, Dahican, Dayhagan at Larap.



Ang mga divers mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tulong na rin ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) ang siyang naglagay ng mga artificial coral reefs.
Samantala, iminungkahi rin ng MAO na gawing Fish Santuary ang nasa 252 sa 1, 556 hectares na Marine Protected Area ng Jose Panganiban, lalo na ang Calalanay island.



Dito ay mahigpit na ipagbabawal ang panghuhuli ng isda upang bigyan itong pagkakataon na magparami.
Maglalagay na rin dito ng permanenteng bantay upang matiyak na hindi ito mapapasok.
“Maglalagay po tayo dito ng tao na magbabantay po talaga 24/7. Maraming corals ang apektado dahil sa Crown of Torns kaya nagkaroon ang aming opisina ng ganitong programa upang ma- rehab po yung ating corals po dito sa katubigan po ng aming bayan.”
Hiniling naman ni De Leon ang suporta at pakiisa ng lahat para maprotektahan ang katubigan sa naturang bayan at upang maibalik ang dating sigla at produksyon ng isda.