Wala na umanong nakikitang rason si Senate Committee on Ways and Means, Chairperson, Senador Win Gatchalian para silbihan pa ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ng show cause order si ‘Guo Hua Ping’ a.k.a. ‘Alice Leal Guo’.
Anya, dalawang beses na rin naman nakapagbigay ng rason si Guo sa hindi niya pagharap sa Senado kung kaya’t sa tingin niya ay sapat na ito.
Samantala, ayon kay Gatchalian, bagamat hindi niya pa nakakausap si Senate President Chiz Escudero ay tiwala siyang ngayong araw o di kaya sa darating na Lunes na ilalabas ang arrest order kay Guo matapos ang pag-cite in contempt sa kanya.
Una ng sinabi ng opisina ni Senadora Risa Hontiveros na inihahanda na ng komite niya ang arrest order laban kay Guo habang tiniyak naman noon ni Escudero na handa siyang suportahan ang pagpapatupad nito.
Matatandaan, hindi dumalo sa nakaraang pagdinig si Guo dahil hindi umano siya physically at mentally fit bagamat bigo itong makapagbigay ng medical certificate.