NAGA CITY- Inilunsad na ng Naga City Government ang portal para sa online registration ng mga nais magpabakuna.
Sa launching, ipinaliwanag ni Information Technology Office head Reuel Oliver kung papaano mag rehistro sa pamamagitan ng covidvax.naga.gov.ph.
Para sa Health Emergency Response Task Force (HERTF) mas mapapabilis at ligtas ang pagtala ng mga nais magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.Sa ngayon nasa A1, A2 at ilang nasa A3 pa lamang ang nababakunahan o mga frontliners, health workers at senior citizens at with comorbidities.
Kung madagdagan na ang bakuna saka naman ang susunod na nasa listahan ng prayoridad.Batid ng HERTF na may mga nagdadalawang isip subalit marami rin ang nagiging interisado rito.
Katuwang na ng LGU Naga ang Archdiocese ng Caceres sa kampanya na magpabakuna na. Mismong ang arsobispo na si Most Rev. Rolando J. Tria Tirona, OCD, DD ay naturukan na rin dahil kasama ito sa A2 priority. Para kay Tirona, ito ay obligasyon sa kapwa at pagpapahalaga sa buhay.