Apollo Quiboloy, hindi angat sa batas kahit magpakilalang “appointed son of God”

Walang ligtas sa batas kahit ang nagpakilalang anak ng nasa itaas.

Ito ang tahasang inihayag ni House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre matapos ilabas ang isang audio file kung saan maririnig ang mga tirada ni Apollo Quiboloy laban sa gobyerno.

Sa isang press conference, sinabi ni Acidre na hindi na dapat patulan ang mga sinabi ni Quiboloy kasabay ng pagtitiyak na gagampanan ng Kamara ang tungkulin nito laban sa pastor.

Ipatutupad aniya nila ang batas at sisiguruhing maihaharap ang founder ng Kingdom of Jesus Christ sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises ukol sa umano’y violations ng Swara Sug Media Corporation na nagpapatakbo sa Sonshine Media Network International.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Pirmado ni House Speaker Martin Romualdez ang subpoena na nag-oobliga kay Quiboloy na dumalo sa susunod na pagdinig ng komite sa March 12.

Dagdag pa ni Acidre, bilang pastor ay alam nito ang bigat ng pagsuway umano sa batas at kawalan ng respeto sa mga awtoridad kaya darating ang panahon na pananagutin si Quiboloy.

Read More:  Sen. Jinggoy Estrada surrenders to CIDG

Bukod sa mga alegasyon ng pagpapakalat ng fake news kaugnay sa 1.8 billion pesos na travel expenses ng Office of the Speaker, kabilang umano sa violations ng SMNI sa ipinagkaloob na prangkisa ang pagsailalim sa transition mula sa non-stock, non-profit corporation patungo sa sole corporation noong 2006.

Kalaunan nitong 2023 ay inilipat ang controlling stake mula kay Quiboloy patungo kay Bro. Marlon Acobo.

Nakasaad sa Section 10 ng Republic Act 11422 o ang batas na nagkakaloob ng prangkisa sa Swara Sug na ipinagbabawal ang sale, lease, transfer o assignment ng prangkisa nang walang approval mula sa Kongreso.