Walang dapat ikatakot si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagharap nito sa International Criminal Court kaugnay sa umano’y human rights violations sa loob ng anim na taon ng kanyang administrasyon.
Ito ang iginiit ni Manila First District Representative Ernesto Dionisio kasabay ng paninindigan na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas gaya ng posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dionisio na kung walang itinatago ang dating pangulo ay hindi dapat ito mangamba sakaling papasukin ang ICC sa bansa.
Naniniwala rin si Lanao del Norte Representative Mohamad Khalid Dimaporo na ipinagtatanggol ni Pangulong Marcos ang pambansang soberanya at pinatutunayang maayos na napapatakbo ang mga institusyon partikular ang pulisya at hudikatura.
Hindi aniya mapapasama ang gobyerno ng Pilipinas may mapatunayan man o wala ang ICC ukol sa extrajudicial killings sa kasagsagan ng war on drugs campaign ng nagdaang administrasyon.
Kumbinsido naman si La Union Representative Paolo Ortega na may nakikitang iregularidad ang taumbayan kung pagbabasehan ang OCTA Research Survey na nagsasabing 59 percent ang sumusuporta sa imbestigasyon ng ICC.