LEGAZPI CITY – Hanggang ngayon ay nanlulumo pa rin ang alkalde ng Sto. Domingo, Albay sa sinapit ng munisipyo nito matapos masunog nito lamang Linggo.
Sa panayam ng Brigada News Fm Legazpi kay Mayor Jun Aguas, sinabi nito na nangako ang dalawang kongresista sa lalawigan na sina Joey Sarte Salceda at Zaldy Co na tutulungan nilang mai-repair at mai-rehabilitate ang nasabing munisipyo.
Aniya, hindi na kailangan pang lumipat dahil ang rekomendasyon ng Municipal Engineering Office ay maaari naman umano itong ayusin upang hindi lumaki ang gastos sa pagpapatayo ng bagong munisipyo.
Aabot sa mahigit sa P100M ang posibleng kakailanganing pondo para sa pag-repair ng gusali.
Sinabi pa ng opisyal, inaasahan nitong masisimulan ang paggawa ng munisipyo sa taong 2023 dahil dadaan pa ito sa mahabang proseso bago mabigyan ng pondo.