CAMARINES NORTE- Ipinag-utos ni Mercedes Camarines Norte Mayor Alexander Pajarillo sa mga head ng government offices ng Lokal na Pamahalaan, pribado at mga pampublikong eskwelahan, may ari ng business establishment, mga residente, driver ng pampubliko at pribadong sasakyan at sa 26 na Punong Barangay ang pagsasabit ng watawat ng Pilipinas bilang pakikiisa sa ika-125th Philippine Independence Day celebration.
Batay ito sa Executive Order No 26-2023 ng Alkalde na may petsang May 26, 2023 at isinapubliko ng Municipal Information Office nitong Lunes, May 29.
Nakasaad sa EO na marapat lamang na alalahanin ang Araw ng Kalayaan at ang sakripisyo ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para makamtan ang kasarinlan.
Mababatid na sa pamamagitan ng Proclamation No. 374 na nilagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong 1965, itinakda ang Mayo 28 bilang Pambansang araw ng watawat.
Sa pamamagitan naman ng Executive Order no. 179 na ipinalabas ni dating Pangulong Fidel Ramos, nakasaad na dapat maglagay ng watawat sa mga pampubliko at pribadong gusali simula Mayo 28 hanggang sa araw ng kalayaan sa Hunyo 12 kada taon.
Batay sa kasaysayan, ang petsang Mayo 28 ay ang tinaguriang Battle of Alapan kung saan dito unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas matapos magapi ng tropa ni Heneral Emilio Aguinaldo ang mga Kastila noong 1898 at itinuring na first military victory ni Aguinaldo matapos ang kanyang exile sa Hongkong.
Pormal na idineklara ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at itinaas ang watawat ng Pilipinas sa balkonahe ng tahanan ni Heneral Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
