Alkalde ng Capalonga naglabas na rin ng pahayag hinggil sa ipinataw na suspensiyon ng Sangguniang Panlalawigan sa Bise Alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Bayan

CAMARINES NORTE – Naglabas na rin ng pahayag ang Alkalde ng Capalonga, Camarines Norte hinggil sa ipinataw na 60- day preventive suspension ng Sangguniang Panlalawigan sa Bise Alkalde at walong miyembro ng Sangguniang Bayan.

Sa siyam na pahinang opisyal na pahayag ni Mayor Luz Ricasio, sinagot nito ang tanong kung bakit hindi siya nakasama sa kaso gayong siya ang nagpatupad ng preventive suspension na ipinataw naman ng Sangguniang Bayan kay Punong Barangay Arlene  Conmigo na siya namang dumulog sa Sangguniang Panlalawigan.

Ayon sa Alkalde, ang kaniyang paglagda sa resolusyon ng Sangguniang Bayan na nagpapataw ng preventive suspension sa naturang Punong Barangay ay “Ministerial Duty” lamang o nangangahulugang obligado ito alinsunod sa batas.

Kung hindi umano pipirmahan ng Alkalde ang preventive suspension ay ito naman ang makakasuhan ng pagpapabaya sa tungkulin.

Hindi rin daw pwedeng gamitin ang Veto power ng Alkalde sa resolusyon ng Sangguniang Bayan na nagsususpinde sa nabanggit na Punong Barangay dahil ginagamit lamang ito sa mga ordinansa at resolusyon na nagpapatupad o nagtatakda ng mga polisiya.

Hindi rin naman aniya ang Alkalde ang nag determina ng probable cause dahil wala ito sa kaniyang kapangyarihan kundi nasa Sangguniang Bayan

Kapag ginamit umano ng Alkalde ang Veto power sa resolusyong nagpapataw ng preventive suspension sa nabanggit na Punong Barangay ay maituturing itong pagpapaikot o “circumvention” sa isinasaad ng batas.