Alex Gonzaga, sinubukang isangla ang kaniyang Diamond Play Button mula sa Youtube

Sinubukan ng aktres at vlogger na si Alex Gonzaga na isangla ang kaniyang Diamond Creator Award na iginawad sa kanya ng Youtube.

Kahit wala talaga itong monetary value ay labis na pinahahalagaan ni Alex ang kaniyang award lalo na at ipinagkakaloob lamang ito ng video streaming site sa mga Youtube channels na may mahigit 10-million followers.

Sa vlog na may pamagat na “Unboxing and Pawning my Diamond Play Button by Alex Gonzaga”, ay ipinasuri ng aktres sa isang jeweler ang hugis ng play button na nasa gitna ng prestihiyosong award na tila ay gawa sa diamond.

Pabirong sinabi ni Alex na handa siyang ibenta ang kaniyang award sa halagang P2,500 o ipagawa ito bilang isang key chain.

Agad naman umalis si Alex mula sa jewelry store matapos ipaalala sa kaniya ng alahera niya na meron siyang mga utang na hindi pa nababayaran.

Bigo rin si Alex na maisangla ang kaniyang award sa isa pang pawn shop, pero sinabi niya na “priceless” talaga ito, dahil nakuha niya ang naturang pagkilala kasama ang mga netizens na sumusporta sa kaniya.

Mababasa sa caption ng kaniyang Youtube video, “Walang anu man halaga ang tutumbas sa pagmamahal ninyo lahat sa akin netizens. Salamat sa lahat ng suporta nya! Mahal ko kayo!! 🤍🤍🤍”

Nakamit ni Gonzaga ang 10-million mark noong February.

Sa ngayon ay pumalo na sa 10.9-million ang subscribers ng Youtube channel na Alex Gonzaga Official.

Matatandaan na pinasok ng aktres ang mundo ng vlogging noong July 2017.