Alessandra, nagpabalik-balik sa ospital sa gitna ng taping ng pelikula

Nagpabalik-balik sa ospital ang aktres na si Alessandra de Rossi sa gitna ng kaniyang paggawa sa sarili niyang pelikula na siya mismo ang nagsulat, nag-direk, at nag-produce.

Siya rin mismo ang bibida sa ginagawa nilang Netflix film ni Piolo Pascual na may pamagat na “My Amanda.”

Isiniwalat ni Alessandra sa katatapos lang na media conference na “physically draining” ang kaniyang ginawa, dahil na-ospital siya matapos ang siyam na araw.

Ipinunto ng aktres na itinago niya ang kaniyang mga karamdaman dahil ayaw niyang bumaba ang energy level sa set.

Tumaas rin anya ang kaniyang stress level habang ginagawa ang pelikula.

Ipinaliwanag naman ni Alessandra na matapos ang dalawang araw mula nang makauwi siya mula sa taping ay nakaramdam siya ng pananakit sa tiyan.

Ipinunto ni Alessandra na tatlong beses itong nangyari sa kaniya sa loob ng dalawang linggo na dahilan kung bakit pati ang kaniyang bank account ay hindi na naka-recover.

Naikwento naman ni Piolo na bukod sa maraming personalidad na ginawa si Alessandra para sa pelikula ay napagod rin ito physically, dahil na rin sa frustration nang hindi nito ma-achieve ang mga bagay na gusto niyang mangyari.

Anya, maraming bagay na kinimkim si Alessandra na hindi nito mailabas.

Inihayag naman ni De Rossi na ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya dahil ito ang unang beses na nagsulat, nagdirek, nag-co produce at umarte sa isang pelikula ng sabay-sabay.