LEGAZPI CITY – Pinangunahan ni Police Brigadier General Jonnel C. Estamo kasama ang kanyang may bahay ang paggawad ng Medalya ng Uganayang Pampulisya kay PCpl Paula Bianca B. Bernadas o mas kilala bilang “Aleng Pulis” ng Daraga Municipal Police Station (MPS).
Kinilala si “Aleng Pulis” dahil bukod sa pamamahagi ng kanyang kaalaman sa magandang dulot ng pagpapasuso ng sanggol, ay nag donate rin ito ng kanyang breast milk sa isang ospital sa probinsya ng Albay.
Taong 2021 nang isagawa niya ang nasabing lecture program sa Brgy. Sagpon, Daraga, Albay na kung saan ibinahagi niya rito ang tamang pag-iimbak ng gatas ng ina o breast milk na malaki ang tulong sa mga working nanay tulad niya.
Ang kontribusyon ni PCpl Bernadas ay nagsilbing inspirasyon sa mga kababaihan kasabay sa pagdiriwang ngayon ng Women’s Month. Samantala, iginawad din ng Police Regional Office V ang ilang parangal tulad ng Medalya ng Kagalingan at Medalya ng Kasanayan sa mga babaeng miyembro ng Philippine National Police o PNP.