LEGAZPI CITY – Mula pa noong Huwebes ng umaga, Hunyo 8 ay naranasan na sa ilang bahagi ng lalawigan ng Albay ang ashfall na mula sa Bulkang Mayon.
Dahil din sa pagbuga ng makakapal na usok ng bulkan, ilang bayan ang nakaranas ng pagdilim o pagiging “foggy” ng paligid.
Dahil dito, nagbigay-paalala ang Provincial Health Office sa pangunguna ni Dra. Estrela Zenit sa mga residente lalo na sa mga nakatira sa 6km permanent danger zone.
Ani Zenit, pinaka-vulnerable dito ang mga taong mayroong problema sa baga tulad ng mga Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD), at ang mga may hika o asthma.
Ayon sa kanya, dapat nilang protektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemasks, o paglalagay ng basing tela sa ilong at bibig kung lalabas ng bahay, subalit hangga’t maaari ay huwag na lamang lumabas pa ng tahanan.
Hindi dapat na makalanghap ng maliliit na butil mula sa ashfall ang mga taong mayroong COPD at mga kaugnay na sakit.
Sa oras umanong malanghap ito lalo na ng mga taong dati nang may karamdaman, maaari silang makaranas ng dry cough o kaya nama’y mahirapan sa paghinga.
Kaya naman, sinabi ni Zenit, kung sakali mang maranasan ito ng ilan, agad na kumonsulta sa doctor upang matignan at mabigyan ng lunas.
Maliban dito, dapat ding protektahan ng publiko ang sarili mula rito dahil maaari itong makaapekto o magdulot ng irritation sa mata at sa balat.
Samantala, tiniyak naman ni Zenit na handa ang healthcare units ng lalawigan para sa treatment ng posibleng mga pasyente, katunayan nito, noong Lunes pa umano sila nagtalaga ng mga teams at logistics para sa bawat LGU sakali mang lumala pa ang sitwasyon.