LEGAZPI CITY – Nagsalita na ang Albay Provincial Veterinary Office hinggil sa usaping hindi nila pagpahintulot na isama sa paglikas ang iba pang alagang hayop tulad ng mga aso, pusa, manok, baboy at iba pa na mula sa mga lugar na pasok sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng impormasyong marami pa ring mga gayong hayop na naiwan sa nasabing PDZ na hindi maaaring dalhin sa evacuation centers at ngayo’y hindi na rin pinapayagan ang mga residenteng bumalik sa mga lugar upang pakainin sila.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa Brigada News FM Legazpi na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga hayop sa evacuation centers ng mga tao at wala talagang hiwalay na pasilidad ang probinsya para sa mga nabanggit na hayop – mayroon din sanang isang paglalagyan subalit 150 pets lang ang kapasidad.
Maaari umano kasing maapektuhan din ang ibang inilikas na hayop kung isasama pa ang ilan lalo na kung mayroon itong mga rabies o African Swine Fever sa mga baboy.
Kung kaya, ayon kay Mella, inaabisuhan na lamang nila ang mga pet owner na ipa-foster ang kanilang mga hayop o ipaalaga sa ibang mga kakilala, kaanak na nasa ligtas na lugar.
Kung wala naman umanong kakilala na maaaring mangalaga, pakawalan na lamang ito at huwag itali o ikulong sa kanilang tahanan upang sila ay makatakas sa oras na mayroong mangyari.