BNFM BICOL—Nasa 18 na lamang ang natitirang aktibong kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes batay sa pinakahuling datus na ibinaba ng Provincial Health Office.
Ang nasabing bilang ng aktibong kaso ay mula sa 3,173 na kabuuang kaso ng sakit na naitala sa probinsya.
Umabot na rin sa 3,026 ang bilang ng recoveries makaraang madagdagan ng tatlong mga bagong gumaling kahapon, habang wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi na sa ngayon ay nasa 130.
Sa 11 mga bayan sa Catanduanes, ang bayan ng Virac ang mayroon pang walong aktibong kaso ng sakit; tagda-dalawa ang mga bayan ng Pandan, Viga at Gigmoto; tag-iisa ang mga bayan ng San Andres, Bato, San Miguel at Caramoran habang ang mga hindi nabanggit na bayan ay “zero active case” na, o wala nang aktibong kaso ng nakamamatay na sakit.###