Inihain sa Kamara ang isang panukala na layong pabigatin pa ang parusa sa mga nasa likod nag nagho-hoard ng mga agricultural products.
Ayon kay House Ways and Means Commitee chairperson Joey Salceda, layon ng House Bill No. 3596 na ipa-deklara na rin bilang ‘economic sabotage’ ang ano mang hakbang na siyang nagmamanipula sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng large-scale cartel hoarding at profiteering.
Ginawa ni Salceda ang paghahain ng panukala sa gitna pa rin ng kontrobersya sa suplay ng asukal kung saan ay nagkaroon ng unauthorized improtation ng 300,000 metric tons ng asukal.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act para pabigatin pa ang parusang kahaharapin ng mga indibidwal o grupo na mapatutunayang nasa likod nito.
Giit ng mambabatas, layon umano ng panukala na mas bigyan pa ng ngipin ang batas, kabilang na ang pagpapataw ng mas malaking multa, at posibleng pang-habambuhay na pagkakakulong.
Maliban sa asukal, masasakop din sa panukala ang iba pang mga agricultural products.
#
Mga umiipit sa suplay ng asukal, dapat mapanagot
Umapela si Senadora Grace Poe na dapat ay gamitin na ang ‘full-force’ ng batas para siguradong mapanagot ang mga nasa likod ng pagho-hoard ng asukal na nagreresulta ng ‘artificial shortage’ nito dahilan para tumaas ang presyo ng mga commodity sa bansa.
Ayon kay Poe, dapat ay matukoy kung sino ang may-ari ng mga inimport na asukal dahil hindi naman daw ito basta-basta mabibigyan ng permit ng Sugar Regulatory Administration.
Naniniwala ang Senadora sa posibilidad na baka mayroon daw sindikato na nasa likod nito dahil sa paulit-ulit na modus sa importation.
Samantala, para naman matukoy na kung sino pa ang mga nasa likod ng pagho-hoard ng mga suplay ng asukal, iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagsasagawa ng ‘spot check’ sa mga imbakan at bodega ng mga asukal.
Sa ganitong paraan aniya ay matutukoy kung mayroon ba talagang kakulangan sa suplay ng asukal at kung mayroon bang nagho-hoard nito para mapataas ang presyo sa merkado.
#