Nagbabala na ang Department of Interior and Local Government kay Cebu Governor Gwen Garcia na maaari na itong maharap sa mga reklamo sakali mang magkaroon ng surge ng COVID-19 cases sa lalawigan dahil sa pag-aalis nito ng mask mandate sa outdoor areas.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, itinuturing nilang ‘depektibo’ ang EO na inisyu ni Garcia sapagkat wala raw itong legal na basehan.
Hindi rin anila ito maituturing na isang batas; hindi tumutugma sa national law; at lalong hindi itinuturing na isang lokal na ordinansa.
Paliwanag ng Kalihim, hindi raw basta-basta makapagiisyu ng isang EO dahil kinakailangang consistent muna ito sa mga regulasyong ipatutupad ng national government.
Sakali man aniyang lumobo pa ang kaso ng COVID-19 sa Cebu dahil sa order ni Garcia, hindi sila magdadalawang isip na magsampa ng kaso sa Ombudsman.
#
Garcia: IATF guidelines, walang penal clause
Tuloy pa rin ang pagdepensa ni Cebu Governor Gwen Garcia sa ipinatupad nitong order hinggil sa pagaalis ng mask mandate sa mga outdoor areas.
Sa isang panayam, sinabi ng Gobernador na kung babasehan naman ang inisyung IATF resolusyon, maaari talagang mag-isyu ng lokal na ordinansa ang isang LGU.
Wala rin aniyang penal clause na pumapaloob sa guidlines ng IATF at hindi naman ito batas na binalangkas ng Kongreso.
Mas makabubuti aniya kung ang IATF mismo ay matutong magbasa ng sarili nilang regulasyon.
Sinabi pa ni Garcia na kung tutuusin nga raw, namimigay pa sila ng mga face masks sa mga taong hindi nagsusuot nito.
Samantala, tumugon naman si Interior Spokesperson Jonathan Malaya at sinabing wala naman nga raw talagang penal clause sa IATF resolution.
Nilinaw din ni Malaya na wala namang arestuhang mangyayari sa mga lalabag sa mask mandate bagkus ay ituturing lamang nila ito bilang ‘last resort’ sakali mang pasaway talaga ang isang violator.
#