Inumpisahan na ng Commission on Human Rights ang imbestigasyon sa ginawang pag-aresto sa mga magsasaka, estudyante, at mga advocates na mas kilala sa tawag na ‘Tinang 83’ sa Concepcion, Tarlac.
Ayon kay CHR Executive Dir. Atty. Jacqueline de Guia, inumpisahan na ng kanilang Central Luzon office ang pakikipagugnayan sa mga magsasakang inaresto ng mga kapulisan sa kasagsagan ng isinasagawang ‘bungkalan’ o ‘yung community planting session sa Hacienda Tinang.
Sabi ni de Guia, nakatanggap daw kasi sila ng ilang mga ulat na hindi maayos ang ginawang pagtrato sa mga arrested individuals sa kanilang detention facility.
Mayroon din umanong mga alegasyon ng pisikal at mental na pang-aabuso sa mga ito, maliban pa sa red-tagging sa grupo.
Hinikayat din ng CHR ang Department of Agrarian Reform na asikasuhin na ang isyu sa lupa sa hacienda.
Kaugnay nito, sinabi ni DAR Undersecretary David Erro na dahil sa insidente ay lalong made-delay pa ang pagre-release ng pangalan ng mga kwalipikadong benipisyaryo ng mga lupa.
#
PNP, tiniyak na haharapin ang mga kasong inihain sa kanila ng ‘Tinang 83’
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa silang harapin ang mga reklamong inihain ng tinaguriang ‘Tinang 83’ o ang mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta na hinuli dahil sa umano’y pag-okupa sa lupaing pinag-aagawan sa Concepcion Tarlac.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP-Regional Office 3 Director Police Brigadier General Matthew Baccay na kailangan daw ay masiguro ng mga nagrereklamo na totoo ang kanilang ipinararating sa kanila kung saan kailangan aniya ng sapat na ebidensya.
Ipinaliwanag ni Baccay na ang pagkakahuli sa 83 na sinasabing mga magsasaka ay dahil rin umano mismo sa mga ito dahil sa hindi pagsunod sa batas.
Kaugnay nito, may binaggit na ebidensya si Baccay na nagpapatunay na ang mga pulis pa umano ang nasaktan sa nangyari matapos manlaban ang mga magsasaka.
Samantala, kaugnay naman sa isyu ng hindi maayos na kulungan, sinabi ni Baccay na hindi dapat umasa ng pagtratong nasa hotel ang mga hinuli dahil ang kanilang pasilidad ay may kapasidad lamang para sa sampu.
Una na rito ay nanindigan ang Concepcion Municipal Police Station sa Tarlac na legal ang ginawang paghuli at walang nangyaring pang-aabuso sa mga magsasaka at land reform advocates.
#