BNFM BICOL—Hindi umaano maikokonsiderang ‘election related incident’ ang nangyaring panloloob at pagnanakaw sa bahay ng isang tumatakbong kongresista sa Catanduanes nitong nakaraang linggo.
Ayon kay PMaj. Emsol Icawat – tagapagsalita ng Catanduanes PPO, ang naturang insidente ay hindi naman umano makakaapekto sa isasagawang Halalan ngayong araw sa probinsya lalo na at pagnanakaw ang tinitingnang pangunahing motibo dito.
Sinertipikahan rin ng COMELEC-Bato sa Catanduanes ang pangyayari bilang “NON-ELECTION RELATED INCIDENT” sa pangunguna ni Acting Election Officer – Amelia Arizabal dahil rin sa kaparehong rason.
Ganunpaman, sinabi ng PNP na hindi nila ipagsasawalang bahala ang nasabing krimen at katunayan ay bumuo na umano sila ng Special Task Force na tututok sa paglutas ng kaso.
Matatandaan na gabi nitong May 3 nang pasukin at pagnakawan ng mga armadong kalalakihan ang bahay ng tumatakbong kongresista na si Eulogio Rodriguez sa bayan ng Bato, kung saan aabot sa P20 million na halaga ng pera ang natangay ng mga hindi pa rin matukoy na mga salarin.###