BNFM BICOL—Nanawagan ang Commission on Election o COMELEC-Bicol na iwasan ang ‘over voting’ o sobrang pagboto ng higit pa sa kinakailangan ngayong araw ng eleksyon.
Ayon kay Atty. Jasmine Belarmino, Legal Director ng COMELEC-Bicol, kina-kailangan na tingnang mabuti ang balota bago ibigay sa mga electoral board sa loob ng presinto.
Aniya, mas maganda rin na bago pumasok sa loob ng presinto ay mayroong kodigo o listahan ng mga kandidato upang hindi na matagalan pa sa loob, at mas maging mabilis ang paghahanap ng pangalan at numero ng mga ito sa balota.
Dagdag pa ng opisyal, kinakailangan din na suriing mabuti kung nasobrahan sa pag shade o higit sa kinakailangang bilang ng kandidato ang na i-boto, dahil pwede itong mag resulta sa ‘over-voting’ na magiging dahilan upang ma-invalid ang boto.
Samantala, nanawagan din ang opisyal na kailangan maging preparado ang isang botante bago pumunta sa mga polling areas, halimbawa nito ang pagdala ng tubig at pagkain upang hindi magutom habang nasa pila.###