BNFM BICOL– Timbog sa entrapment operation ng mga otoridad sa bayan ng Virac, Catanduanes ang isang 32-anyos na binata matapos itong mahulihan ng baril at ipinagbabawal na droga.
Batay sa ulat ng PNP-Virac, kinilala ang suspek na si alyas “Kanor”, isang construction worker at residente ng Brgy. Marcelo Alberto ng nasabing bayan.
Narekober sa posesyon ng suspek ang 38 kalibre ng baril at tatlong live ammunitions matapos makipagpalitan ng pera sa nagpanggap na buyer habang nakuhanan din ito ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu.
Samantala napag-alaman naman na si alyas “Kanor” ay dati nang nakasuhan at nakulong dahil sa paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 noong Mayo 22, 2018 at itinuturong lider ng “Sorreda Gang” na nagsasagawa ng mga nakawan sa bayan ng Virac at pagbebenta ng baril at ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Virac MPS ang mga kaukulang dokumento upang masampahan ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in Relation to COMELEC Resolution No. 10741 ang naturang suspek.###