Ukraine Marine commander na na-trap sa Mariupol, umapela ng tulong sa world leaders

Madamdamin ang panawagan ng commander ng Ukraine 36th Separate Marine Brigade na si Major Serhii Volyna na kasama sa mga na-trapped sa Mariupol city.

Sinabi ni Volyna sa kanyang panawagan sa buong mundo na baka huling statement na niya ito dahil posibleng ilang araw o oras na lang ang nalalabi sa kanila Azovstal steel plant dahil patuloy na pambobomba sa kanila ng Russian troops.

Umaapela ito sa mga world leaders na tulungan sila na mailabas ang mga kasama nilang sibilyan sa planta at dalhin sila sa teritoryo na mabibigyan sila ng seguridad.

Ayon sa report, naipon sa paligid ng nasabing planta ang Ukrainian forces sa Mariupol habang daan-daang sibilyan ang pansamantalang nanunuluyan sa basement ng gusali.

Aminado si Volyna na maisasagawa lamang ang evacuation sa pamamagitan ng mga kasunduan o international humanitarian mission kung saan gagamit ng barko o helicopter sa paglilikas sa kanila.