NAGA CITY- Pag-uusapan na ang inihihirit na pagtaas ng minimum na sahod. Iniimbitahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol ang lahat ng mga employer at empleyado na dumalo sa gagawing Public Hearing sa Minimum Wage Increase para sa Naga City at Camarines Sur.
Gaganapin ito sa Martes Abril 26, 2022 , ala-una hanggang alas-4 ng hapon sa Avenue Plaza Hotel. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay DOLE Regional Director Zen Campita, sinabing hindi na sila susunod sa iba pang mga proseso sa konsultasyong pamprobinsya dahil natapos na ito at napending lamang ang wage order.
Ipipresenta ng Department of Trade and Industry (DTI) , Department of Agriculture (DA) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang estado ng economic progression at ano na ang nangyari sa sahod ng manggagawa. Pag-uusapan na kung ilan ang nararapat na arawang sahod sa lungsod at probinsya. Sinabi ni Campita na P310.00 ang minimum wage na natanggap at ito ang siyang pinakamababa sa buong bansa.