CAMARINES NORTE- Ipinagdiwang ng mga taga Camarines Norte ang Semana Santa na mas maluwag ang mga restriction sa unang pagkakataon pagkatapos ng dalawang taon.
Sa katunayan ilang simbahan sa lalawigan ang nagsagawa na ng traditional Holy Week Procession tulad na lamang ng Parish of Our Lady of the Most Holy Rosary sa Jose Panganiban.
Pero karamihan pa rin sa mga parokya ay nagsagawa na lamang ng mobile procession bilang pag iingat pa rin sa COVID- 19.
May iba naman na nagsagawa ng Parish Lenten Exhibit tampok ang iba’t- ibang imahe ng mga santo tulad ng Paroquia De San Juan Bautista sa Daet.
Marami rin ang nagsagawa ng Bisita Iglesia ngayong taon at mayroon pang mga dumayo mula sa mga karatig lalawigan.
Partikular na binisita ng mga ito ang pitong jubilee churches sa lalawigan.
Samantala, dinagsa naman ng mga tao ang iba’t- ibang beach resort lalo noong Sabado de Gloria at Easter Sunday.
May mga pamilyang kaniya- kaniyang lagay ng tent sa Baybay Beach sa Mercedes.
Naglagay naman ng tourist assistance desk para umalalay sa mga naliligo sa dagat.
Ang Philippine Coast Guard naman ay nagdeploy ng mga tauhan sa iba’t- ibang beach resort upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista.
Nagsagawa rin ang mga ito ng seaborne patrol sa ilang mga isla.
