Inatasan na ng Malakanyang ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkawala ng nasa 31 mga sabungero.

Sa isang memorandum na inilabas ng Palasyo at pirmado ni executive secretary Salvador Medialdea, binigyan lamang ng hangang 30-araw ang PNP at NBI para makapagsumite ng resulta ng kanilang imbestigasyon sa Malakanyang.
Kasabay nito inaatasan din ang PAGCOR na imbestigahan ang mga e-sabong licensee sa mga posibleng paglabag sa ilalim ng umiiral na terms of agreements at kung sumusunod ba ito sa mga panuntunan.
Pinayagan naman ng Malacañang ang mga e-sabong operators na magpatuloy sa kanilang negosyo habang wala pang resulta sa isinisagawang imbestigasyon.
Magugunitang una nang inirekomenda ng senado na pansamantalang isuspende ang lahat ng e-sabong activities habang gumugulong ang pagsisiyasat ng mga otoridad sa mga nawawalang sabungero.