KORONADAL CITY- MAHIGIT sa kalahati pa lamang ng target eligible population na 4,038,662 sa SOCCSKSARGEN region ang fully vaccinated laban sa COVID 19.
Batay sa datos ng Vaccination Operations Reporting System o VORS ng March 2, 55.30% pa lamang o 2,233,306 ng target ang nababakunahan.
Inihayag ni regional immunization program coordinator Dr. Edvir Jane Montañer na may 1.5 million pa na mga indibidwal sa buong rehiyon ang nananatiling unvaccinated laban sa naturang virus.
Ang mga ito ayon sa opisyal ang dapat tutukan at bigyang prayoridad sa isinasagawang vaccination campaign.
Hinihikayat din nito ang mga local vaccination operations center na magpatupad ng “suyod campaign” sa mga barangay upang matukoy at mahanap ang mga hindi pa bakunado at mga eligible na sa second dose.
