Hiniling ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa gobyerno na magtakda ng support price ng palay sa P21 kada kilo sa gitna ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni SINAG chairperson Rosendo So na tumaas ang halaga ng produksyon ng kada kilo ng palay ng P5 sa nakalipas na dalawang panahon ng anihan.
Mula kasi sa P14-P15 kada kilo noong nakaraang taon, ay umabot ito sa kasalukuyang P19 kada kilo.
Ipinunto ni So na panahon na muli ng anihan, na dahilan kung bakit nais nilang himukin ang gobyerno na bilhin ang kanilang palay ng P21 kada kilo upang kumita sila kahit papaano.
Iginiit ni So na pambawi lamang sa ginastos sa produksyon ng mga magsasaka ang P19 kada kilo.
Ipinaliwanag ng SINAG na gumagamit ang sektor ng langis para sa transportasyon, fertilizers at feed additives, farm machines, tractors at harvesters, water pumps para sa irigasyon, aquaculture, at fish farming.
