BNFM BICOL—Umabot sa 11 mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Bicol kahapon araw ng Martes.
Batay sa COVID-19 update ng DOH-Bicol, lima sa mga bagong naitalang kaso ang mula sa lalawigan ng Sorsogon kung saan dalawa nito ang naidagdag sa Sorsogon City at tag –iisang kaso ang mga bayan ng Gubat, Irosin at Sta. Magdalena.
Apat na kaso naman ng sakit ang naitala sa Camarines Sur kung saan tatlo dito ang mula sa Naga City at isa sa bayan ng Ragay.
Habang pawang may tag-isang kaso ang Catanduanes mula sa bayan ng Virac at ang Camarines Norte na mula naman sa bayan ng Basud.
Sa kasalukuyan, pumapalo na sa 58,912 ang cumulative cases ng COVID-19 sa rehiyon kung saan 4,153 ang aktibong kaso. Nadagdagan naman ng 307 ang bilang ng mga gumaling, dahilan upang umabot na sa 52,614 ang recoveries habang lima ang mga bagong nasawi kung kaya’t pumalo na sa 2,145 ang death toll ng sakit sa kabikulan.###