CAPALONGA, CAMARINES NORTE – Inanunisyo ng Lokal na Pamahalaang bayan ng Capalonga, Camarines Norte na nakarekober na sa COVID- 19 ang labing anim na naitala noong Abril.
Ang impormasyong ito mula sa Municipal Health Office ay inanunsiyo ng LGU nitong Martes sa pamamagitan ng kanilang official social media account.
Matatandaan na ang sunod- sunod na pagpositibo at hawaan ng sakit ang nagbunsod sa Lokal na Pamahalaan na magdeklara ng granular lockdown sa ilang apektadong Purok ng dalawang Barangay.
Huling nagkaroon ng tatlong kaso sa naturang bayan noong May 7 na kinabibilangan ng isang abogado, store owner at bank employee.
Dahil din dito ay naglabas ng abiso ang LGU na huwag na munang pumasok ang mga hindi residente ng Capalonga mula May 6 hanggang May 15 para bigyang daan ang contact tracing.
Partikular sa mga hindi pinapapasok ang mga kabataang edad 15 anyos pababa at mga senior citizens edad 65 anyos pataas.
Pinaiiwas ang publiko sa mga non- essential travel para na rin umano sa kaligtasan ng lahat.
Kaugnay pa rin nito ay hinimok naman ng simbahan ang mga deboto ng Poong Nazareno na may planong magsimba sa kapistahan ng Capalonga na makibahagi na lamang sa pamamagitan ng live streaming.
Sa darating na May 13 ay ipagdiriwang ang kapistahan ng Nazareno na isa sa pinakadinarayong kapistahan sa lalawigan noong wala pang pandemya.

