Kawalan ng statement of withdrawal mula sa isa-subtitute na kandidato ang dahilan kung bakit hindi umano tinanggap ng COMELEC Isabela ang substitution sana ng isang tatakbo sa pagka-kongresista sa ika-apat na distrito ng Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Atty., Manuel Castillo, ang Election Supervisor ng COMELEC Isabela, sinabi niya na nagtungo sa kanilang tanggapan si Maximin Navarro upang maghain sana ng kaniyang kandidatura.
Ayon kay Atty. Castillo, bagamat mayroon siyang Certificate of Candidacy at Certificate of Nomination and Acceptance subalit wala namang dalang statement of withdrawal mula sa papalitan sanang kandidato kaya naman hindi nila ito tinanggap.
Mayroon naman aniya silang protocols na sinusunod sakaling hindi makadalo ng personal ang isang papalitan na kandidato ay maaaring magpapadala ito ng otorisadong representative o anumang dokumento na nakasaad ng kanyang withdrawal pagkatapos ay magkakaroon ng video conferencing.
Samantala, sinabi pa ni Atty. Castillo na maaari namang dalhin sa COMELEC Central Office ang substitution ni Navarro para sa magiging pasya rito at nanindigang ginawa lamang ng kanilang tanggapan ang nararapat alinsunod sa kanilang panuntunan.