BICOL—Patay ang sub leader ng notorious na Concepcion Criminal Group na si Emmanuel Concepcion matapos itong makipagbarilan sa mga pulis na sana ay aaresto sa kanya sa Cliffwood Subdivision, Governor Hills, Brgy. Biclatan, General Trias City, Cavite.
Sa ulat ng PNP, subject ng arrest order sa naturang operasyon ang lider ng grupo at konsideradong Regional Most Wanted Person with Reward sa Bicol Region na si Gilbert Saysay Concepcion at ang napaslang na kapatid nitong si Emmanuel.
Hindi naabutan sa lugar si Gilbert Concepcion at tanging ang kapatid nito ang naroroon ngunit nang aarestuhin na ito ay pinaputukan umano nito ang mga operatiba daan upang gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa pagkasawi nito at ng isa pang kasamahan na wala pang pagkakakilanlan.
Si Gilbert Concepcion ay nahaharap sa patong-patong na kaso ng Murder at kasong rape na parehong walang rekomendadong piyansa at Direct Assault na mayroong monetary reward na nagkakahalaga ng P420,000 sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2017-15.
Ang kapatid naman nitong si Emmanuel Concepcion ay nahaharap sa mga kasong Murder at paglabaga sa RA 10591 o illegal possession of firearms.
Narekober sa encounter site ang isang unit ng cal .45; isang unit ng cal.40, fired empty shells at mga cell phone.
Ang Concepcion criminal group ay nabuo noong 2010 kung saan notorious ito sa iba’t-ibang illegal activities gaya ng Robbery and Extortion, Gun for hire, Gun running at pagiging mga Private Armed Groups (PAGs) tuwing eleksyon.
Ang pinuno at founder nitong si Gilbert Concepcion ay isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at narecruit bilang asset ng military na kalaunan ay naging miyembro ng Philippine Army noong 2004 bago ito nag- AWOL at na- dismiss sa military service noong 2010.
Sa ngayon ay patuloy ang follow up operation upang matukoy ang kinaroroonan ng notoryosong lider ng grupo.###