NAGA CITY—Hindi na matutuloy ang Pilot Limited Face-to-Face classes ng Tiriktirikan Elementary School sa Iriga City, Camarines Sur matapos umatras ang mismong pamunuan nito.
Ito ang napagalaman ng Brigada News FM Naga mula sa panayam kay Dr. Gilbert Sadsad, Regional Director ng DepEd Bicol.
Paliwanag ni Dr. Sadsad, nag back-out ang naturang Paaralan dahil hindi pa aniya komporme ang Iriga City LGU sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes.
Aniya, bagamat naka-comply ang eskwelahan sa mga hinihingi ng DepEd hinggil sa pagpapatupad ng Health and Safety Protocols subalit kung hindi naman ito suportado ng LGU dahil sa ilang rason, ay maigi na huwag na itong ituloy.
Nirerespeto ani Sadsad ang desisyon ng nasabing Paaralan at ng Pamahalaang Lungsod.
Ang naturang paaraman ang kaisa-isa sanang nakasama sa pilot ng limited face-to-face classes sa lalawigan.
Sinisikap pa ng BNFM na makuha ang panig ng LGU.
