LEGAZPI CITY – Arestado ang tatlo katao sa entrapment operation sa Purok 5, Brgy. Anislag bayan ng Daraga, Albay dahil sa pagbebenta ng alak na kalahating tubig ang laman.
Kinilala ang mga suspek na sina Susan Nidea Lucañas 42 anyos isang vendor, Carl Singanon Salazar alyas Carl Madrona Mangampo 29 anyos at si Rozil Miguela Lustristca, 27 anyos, isang pahinante lahat ay residente ng nasabing barangay.
Ayon sa report, nakatanggap ng report ang Daraga Municipal Police Station tungkol sa mga inuming alak na hinahaluan umano ng tubig dahil dito ay nagsagawa ng entrapment operation sa nabanggit na lugar kasabay ang RID-RSOU5 personnel na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa mga suspek na sangkot sa pakikialam sa mga produktong beer sa pamamagitan ng bahagyang pagpuno sa mga walang laman na bote na hinaluan ng tubig at alak. Pagkatapos nito ay ibinebenta umano ang mga tampered na produkto sa merkado na ina-advertise bilang tunay na produkto ng isang kilalang brand na alak sa bansa
Ayon pa sa Daraga mps, kinasuhan na ng Violation of Unfair Competition, Trademark Infringement and False Designation ang mga suspek.