CAMARINES NORTE- Sinamantala ng mga bibisita sa sementeryo ang magandang panahon kaninang umaga.
Maaga pa lamang kanina sa St. John Eternal Garden dito sa bayan ng Daet, isa sa pinakamalalaking sementeryo sa lalawigan ay marami na ang bumisita para mag alay ng bulaklak, kandila at panalangin sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na yumao.
Sinamantla rin ng ilan ang magandang panahon para maglinis sa puntod.
Ayon sa pamunuan ng sementeryo mula alas 6 ng umaga hanggang alas 6 lang din ng gabi ang oras ng dalaw.
Kahit huling araw na ngayon bago pansamantalang isara ang mga sementeryo, hindi umano papayagang mag extend ng oras ng pagbisita.
Maaga rin kanina ay unti- unting nagsimula ang pagdating ng tao sa St Raphael Memorial Park sa bayan ng Basud.
May malaking tarpaulin na nakapaskil sa labas ng sementeryo na naglalaman ng mga paalala ng Lokal na Pamahalaan.
Puspusan din ang paglilinis ng mga puntod sa Basud Catholic Cemetery habang nakikisama pa ang panahon.
Tuwing hapon kasi ay bumubuhos ang ulan kaya’t sinamantala na ang pagpapalinis sa mga puntod.
Pero kung may mga naglinis na puntod, may ilan din namang tila napabayaan at hindi nabisita ng kanilang mga kaanak.
May mga bahagi kasi sa naturang sementeryo na mas mataas pa ang damo sa mga puntod.
Naabutan din ng Brigada News ang ilang mga matatanda na sama- samang nagdarasal sa kapilya ng sementeryo.
Para naman sa iba, pagkakataon ang Undas para kahit papaano ay kumita.
May mga nagtitinda ng kandila, bulaklak, pagkain at iba pa sa loob at labas ng sementeryo.




